Dekada 1890
| Milenyo: | ika-2 milenyo |
| Dantaon: | |
| Dekada: | |
| Taon: |
Ang dekada 1890 (binibigkas bilang "desiotso nobenta" o "labing-walo siyamnapu") ay isang dekada ng kalendaryong Gregoryano na nagsimula noong Enero 1, 1890 at nagtapos noong Disyembre 31, 1899. Sa kulturang popular ng Amerika, kalaunan itong tinawag nang may pananabik na "gay nineties" ("gay" na nangangahulugan noon bilang masaya o walang alalahanin). Naganap ang dekadang ito sa panahon na tinatawag ng mga historyador na Panahong Victoriyano sa kasaysayan ng Reyno Unido, Belle Époque sa kasaysayan ng Pransiya, at Panahong Ginintuan sa kasaysayan ng Estados Unidos.
Habang ipinagpapatuloy ng mga kapangyarihang Europeo ang kanilang kolonyal na pagpapalawak, nasaksihan ng dekada ang pagkatalo ng Edi (1890), Siam (1893), Maruekos (1894), Dahomey (1894), mga Arabe-Swahili na pinunong militar (1894), Lombok (1894), Pahang (1895), Merina (1895), Zanzibar (1896), Khaua at Mbandjeru (1896), Ashanti (1896), Matabeleland (1897), Pedir (1898), Sudan (1899), at iba't ibang tribo at estado sa hilagang-kanlurang Indiya. Bagaman naging matagumpay ang karamihan sa mga kampanyang kolonyal, nakaranas ang Italya ng malaking pagkatalo nang mabigo itong sakupin ang Etiyopiya matapos itong mapagpasyang matalo sa Adwa noong 1896. Samantala, nakita rin sa ikalawang kalahati ng dekada ang tuluyang pagbagsak ng kapangyarihang Español sa Amerika, na nagsimula sa mga pag-aalsa sa Cuba (1895) at Pilipinas (1896) at nagtapos sa pagkatalo ng España laban sa Estados Unidos noong 1898. Matapos maibenta ang iba't ibang pulo sa Pasipiko sa Alemanya noong 1899, nalimitahan na lamang sa Aprika ang imperyong kolonyal ng España. Sa Silangan naman, nagsimulang palawakin ng Hapon ang sarili nitong imperyo sa pamamagitan ng mga digmaan laban sa Donghak (1894–1895), Tsinang Qing (1894–1895), at Republika ng Formosa (1895). Kabilang pa sa ibang mga tunggalian ng dekada ang Digmaang Garza (1891–1893), Digmaang Greko-Turko (1897), at mga panloob na sigalot sa Samoa (1886–1894, 1898–1899), Apganistan (1888–1893), Arhentina (1890), Tsile (1891), Imperyong Otomano (1891, 1893, 1894, 1895–96, 1896–1897, 1896), Mehiko (1891–1892), Brasil (1893–1894, 1893–1895, 1899–1903), Peru (1894–1895), Republika ng Timog Aprika (1894), hilagang-kanlurang Tsina (1895–1896), Bolivia (1898–1899), at Kolombiya (1899–1902).
Ang mga taong 1896–1898 ay ang panahon ng Himagsikang Pilipino. Ang Pilipinas, na bahagi noon ng Silangang Indiyas ng Espanya, ay nagtangkang humiwalay mula sa Imperyong Espanyol. Nagsimula ang Himagsikang Pilipino noong Agosto 1896 matapos matuklasan ng mga awtoridad Espanyol ang lihim na samahang laban sa kolonyalismo na Katipunan. Ang Katipunan, na pinamunuan ni Andrés Bonifacio, ay isang kilusang naghahangad ng paghihiwalay at nagsilbing lihim na pamahalaan na lumaganap sa malaking bahagi ng kapuluan, na may layuning makamit ang kalayaan mula sa Espanya sa pamamagitan ng armadong pag-aaklas. Sa isang malaking pagtitipon sa Kalookan, inorganisa ng mga pinuno ng Katipunan ang kanilang sarili bilang isang rebolusyonaryong pamahalaan at hayagang idineklara ang armadong himagsikan sa buong bansa. Nanawagan si Bonifacio ng sabayang pag-atake sa kabiserang Maynila, subalit nabigo ang planong ito. Gayunpaman, nag-alsa rin ang mga karatig lalawigan. Partikular na nagtagumpay ang mga rebelde sa Kabite sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo. Ang tunggalian sa kapangyarihan sa hanay ng mga rebolusyonaryo ay humantong sa pagbitay kay Bonifacio noong 1897, at nalipat ang pamumuno kay Aguinaldo na namuno sa sarili niyang pamahalaang rebolusyonaryo. Sa taong ding iyon, opisyal na nagkaroon ng tigil-putukan sa pamamagitan ng Kasunduan sa Biak-na-Bato at ipinatapon si Aguinaldo sa Hong Kong, bagaman hindi tuluyang natigil ang labanan sa pagitan ng mga rebelde at ng pamahalaang Espanyol.[1][2]

Noong 1898, nang sumiklab ang Digmaang Kastila–Amerikano, di-opisyal na nakipag-alyansa si Aguinaldo sa Estados Unidos, bumalik sa Pilipinas, at ipinagpatuloy ang pakikipaglaban laban sa mga Espanyol. Pagsapit ng Hunyo, halos lahat ng teritoryong hawak ng Espanya sa Pilipinas ay nabawi na ng mga rebelde maliban sa Maynila. Dahil dito, idineklara ni Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya at itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas. Gayunpaman, hindi kinilala ng Espanya at ng Estados Unidos ang kalayaan ng Pilipinas. Pormal lamang natapos ang pamamahalang Espanyol sa kapuluan sa pamamagitan ng Tratado ng Paris noong 1898, kung saan isinuko ng Espanya ang Pilipinas at iba pang teritoryo sa Estados Unidos. Makalipas lamang ang maikling panahon, sumiklab ang Digmaang Pilipino–Amerikano.[2]
Nailalarawan ang dekada ng pandaigdigang depresyong pang-ekonomiya na nagtapos noong 1896 at sinundan ng malakas na paglago ng ekonomiya. Tampok sa Ikalawang Rebolusyong Industriyal ang mahahalagang inobasyon tulad ng elektrisidad, gasolina, sasakyan, tela, at organikong kimika. Umabot din sa rurok sa dekadang ito ang paggamit ng makinang de-singaw na pinapagana ng karbon. Sa Estados Unidos, namarkahan ang dekada ng matinding depresyong pang-ekonomiya na dulot ng Taranta ng 1893. Ang krisis na ito ang tumulong sa pagtatapos ng tinatawag na "Panahong Ginintuan" at kasabay nito ang maraming welga ng mga manggagawa sa industriya. Nagdulot din ito ng pampolitikang tunggalian hinggil sa "malayang pilak" at pagbagsak ng Sistema ng Ikatlong Partido. Kasabay nito, nakaranas din ang Australya ng krisis sa pagbabangko bunga ng pagbagsak ng pagputok ng espekulasyon sa merkado ng ari-arian. Samantala, nagkaroon ng malaking tagumpay ang unang alon ng peminismo nang maging unang bansa ang Nuweba Selanda noong 1893 na nagbigay sa kababaihan ng karapatang bumoto.
Mula 1889 hanggang 1890, nagkaroon ng pandaigdigang pandemya ng sakit sa paghinga na dulot ng bayrus, na nagresulta sa 300 hanggang 900 milyong impeksiyon at humigit-kumulang isang milyong pagkamatay. Pinaniniwalaang nagmula ang pandemya sa lungsod ng Bukhara sa Gitnang Asya. Bukod dito, tinamaan din ng malawakang pagkalat ng bayrus na rinderpest ang Aprika, na itinuturing na "pinakamatinding epidemya na tumama sa timog Aprika noong huling bahagi ng ika-19 na siglo".[3] Mahigit 5.2 milyong baka sa timog ng Ilog Zambezi ang namatay,[4] kasama ang mga alagang baka, tupa, kambing, at mga ligaw na hayop tulad ng buffalo (o kalabaw Aprikano), giraffe, at wildebeest. Nagdulot ito ng malawakang taggutom na naging sanhi ng pagkamatay ng tinatayang isang-katlo ng populasyon ng Etiyopiya at dalawang-katlo ng mga Maasai sa Tanzania.[5] Noong 1891–1892, nagkaroon din ng taggutom sa Rusya dahil sa masamang panahon at maling pamamahala ng pamahalaan, na kumitil sa 375,000 hanggang 400,000 katao. Nakaranas din ng dalawang matinding taggutom ang Britanikong Indiya noong 1896–1897 at 1899–1900 dahil sa tagtuyot at mga patakaran ng Britanya. Nagkaroon din ng mga taggutom sa Cuba at Tsina. Kabilang naman sa malalaking lindol ng dekada ang lindol sa Mino–Owari noong 1891 (7,273 namatay), lindol sa Quchan noong 1893 (18,000 biktima), at lindol sa Sanriku noong 1896 (22,066 patay o nawawala).

Idinaos sa Atenas noong 1896 ang unang pandaigdigang Palarong Olimpiko sa makabagong kasaysayan, kung saan lumahok ang 241 atleta mula sa 14 na bansa. Sa Estados Unidos, kabilang sa pinakamabentang aklat ng dekada ang Beside the Bonnie Brier Bush (koleksiyon ng maiikling kuwento, pinakamahusay na benta noong 1895), Tom Grogan (nobelang drama, pinakamahusay na benta noong 1896), Quo Vadis (makasaysayang nobela, pinakamahusay na benta noong 1897), Caleb West (pinakamabenta noong 1898), at David Harum (pinakamabenta noong 1898). Patuloy namang umusbong ang industriya ng pelikula, bagaman nasa unang yugto pa lamang ito, sa pamamagitan ng mga maiikling pelikulang gaya ng Le Coucher de la Mariée at The Kiss. Kabilang naman sa mga tanyag na awitin ng dekada ang "America the Beautiful", "Daisy Bell", at "Hello! Ma Baby".
Nailathala naman ng bayaning Pilipino na si Jose Rizal noong 1891 ang nobelang El filibusterismo, ang sequel o kasunod nobela ng Noli me tangere. Ang mga nobelang ito ang naging mitsa ng HImagsikang Pilipino. Sa pamamagitan ng paglalantad sa mga pang-aabuso, pangingikil, at maling pamamalakad ng mga prayleng Kastila at pamahalaang kolonyal, binuwag ni Rizal ang takot ng mga mamamayan sa kapangyarihan ng Espanya. Bagamat reporma at edukasyon ang kanyang isinusulong, ang kanyang mga akda ang nagbigay-inspirasyon sa Katipunan na maglunsad ng armadong rebolusyon. Ang pagbitay sa kanya noong Disyembre 30, 1896 dahil sa mga nobelang ito ang tuluyang nagbuklod sa mga Pilipino upang ipaglaban ang kalayaan.

Bilang huling dekada ng pamamahala ng España sa kapuluan, naging panahon dekada 1890 ng malalaking pagbabago sa panitikan, sining, relihiyon, at lipunang Pilipino. Patuloy na nangingibabaw ang kulturang kolonyal sa mga lungsod at hanay ng mga ilustrado at principalia, habang nananatiling mahalaga ang mga katutubong kaugalian at tradisyon sa mga lalawigan. Lumakas ang kamalayang pambansa sa pamamagitan ng panitikan at pamamahayag. Naging makabuluhan ang mga akda nina José Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano López Jaena, at Andrés Bonifacio, na nagpalaganap ng mga ideya ng reporma at kalayaan. Ang mga pahayagan, polyeto, at mga samahang gaya ng Katipunan ay naging mahalagang kasangkapan sa pagpapalawak ng nasyonalismong Pilipino, na humantong sa Himagsikang Pilipino noong 1896. Isa sa mga prominenteng kababaihan noong dekada 1890 na tumulong sa mga Katipunan para magbigay medikal na atensyon at kalinga sa mga nasugatan ay si Melchora Aquino, na mas kilala bilang si Tandang Sora. Nilikha naman ni Juan Luna ang pamosong pintang The Parisian Life noong 1892. Pininta naman ng isa pang Pilipinong pintor noong ika-19 siglo na si Félix Resurrección Hidalgo ang impresyonismong pinta na La Pintura noong dekada 1890.
Nanatiling sentro ng buhay panlipunan ang Katolisismo, na makikita sa mga pista, prusisyon, pabasa, at mga dulang panrelihiyon tulad ng senakulo. Kasabay nito, umunlad din ang mga anyo ng libangan at sining gaya ng sarsuwela, kundiman, at mga banda ng bayan. Noong 1893, binuksan ang Teatro Zorrilla sa Maynila, na naging pangunahing tanghalan ng zarzuela sa lungsod.[6] Ang mga unang pagtatanghal dito ay pangunahing nasa wikang Español at ginaganap ng mga artistang Español at Pilipino. Isa sa mga unang itinanghal ay ang El diablo mundo noong 1893 nina Emilio at Rafael del Val, na may musika ni José Estella.[6]
Sa pagpasok ng huling bahagi ng dekada 1890, nagsimulang umusbong ang mga lokal na anyo ng sarsuwela sa iba’t ibang rehiyon. Ang mga katutubong tradisyong Pilipino tulad ng senakulo, komedya, awitan, sayawan, at tulaan ay naging mahalagang pundasyon ng pag-angkop ng zarzuela tungo sa sarsuwelang Pilipino.[6] Ang mga dulang ito ay unti-unting lumayo sa mga paksang Europeo at nagsimulang tumalakay sa pang-araw-araw na buhay, pamilya, bisyo, politika, at lipunang Pilipino.
Kabilang sa mga unang halimbawa ng katutubong sarsuwela ang Budhing Nagphamak mula Bulacan noong humigit-kumulang 1890, bagaman walang natitirang tala ng pagtatanghal nito.[6] Noong 1897 naman, isinulat ni Catalino Palisoc mula sa Pangasinan ang Say Limang ag Naketket, Pampinsiwan, isang dulang may kritikang panlipunan laban sa mga prayleng Español.[6] Sa Visayas, itinanghal noong 1899 ang An Pagtabang ni San Miguel ni Norberto Romualdez sa isang pista sa Leyte, na itinuturing na unang sarsuwela sa wikang Waray.[6]
Sa dekadang ito, lumaki ang populasyon ng daigdig mula humigit-kumulang 1.5 bilyon tungo sa 1.6 bilyon.[7] Ang huling nabuhay na tao mula sa dekadang ito, si Emma Morano, ay namatay noong Abril 15, 2017. Ang huling nabuhay na lalaki mula sa dekadang ito, si Jiroemon Kimura, ay namatay noong Hunyo 12, 2013.
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Guererro, Milagros; Encarnacion, Emmanuel; Villegas, Ramon (1996). "Andres Bonifacio and the 1896 Revolution". Sulyap Kultura (sa wikang Ingles). 1 (2). National Commission for Culture and the Arts: 3–12. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Nobyembre 2010. Nakuha noong 25 Mayo 2010.
- 1 2
- Guererro, Milagros (1998). Reform and Revolution. Kasaysayan: The History of the Filipino People (sa wikang Ingles). Bol. 5. Asia Publishing Company Limited. ISBN 978-962-258-228-6. Nakuha noong 25 Mayo 2010.
- ↑ Phoofolo, Pule (Pebrero 1993). "Epidemics and Revolutions: The Rinderpest Epidemic in Late Nineteenth-Century Southern Africa". Past & Present (sa wikang Ingles) (138): 112–143. doi:10.1093/past/138.1.112.
- ↑ Van den Bossche, Peter; de La Rocque, Stéphane; Hendrickx, Guy; Bouyer, Jérémy (Mayo 2010). "A changing environment and the epidemiology of tsetse-transmitted livestock trypanosomiasis". Trends in Parasitology (sa wikang Ingles). 26 (5): 236–243. doi:10.1016/j.pt.2010.02.010. PMID 20304707.
- ↑ Normile, Dennis (Marso 2008). "Driven to Extinction". Science (sa wikang Ingles). 319 (5870): 1606–9. doi:10.1126/science.319.5870.1606. PMID 18356500. S2CID 46157093.
- 1 2 3 4 5 6 Fernandez, Doreen (2012-05-21). "Zarzuela to Sarswela: Indigenization and Transformation". Philippine Studies: Historical and Ethnographic Viewpoints. 41 (3). doi:10.13185/2244-1638.4864. ISSN 2244-1638.
- ↑ "Population | Gapminder" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-04-21.

