close
Pumunta sa nilalaman

Dekada 1960

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
BERJAYA
Mula sa itaas na kaliwa paikot pakanan: mga sundalong Amerikano sa panahon ng Digmaang Biyetnam; pinangunahan ng The Beatles ang Pagsalakay na Britaniko sa pamilihan ng musikang Amerikano na kalauna’y lumaganap sa buong mundo, na makikita rito sa kanilang unang pagdating sa Estados Unidos noong 1964; kalahating milyong tao ang nakilahok sa Pistang Woodstock noong 1969; naglakad sa Buwan sina Neil Armstrong at Buzz Aldrin sa kasagsagan ng paligsahan sa kalawakan noong panahon ng Digmaang Malamig; naging hudyat ang Kaguluhan sa Stonewall ng pagsisimula ng kilusan ng liberasyon ng bakla; inilunsad ni Mao Zedong ang planong Dakilang Pagsulong sa Tsina na nabigo at nagdulot ng malawakang taggutom kung saan tinatayang 15 hanggang 55 milyong tao ang namatay pagsapit ng 1961, at noong 1966 ay sinimulan niya ang Himagsikang Pangkalinangan, na naglinis sa mga tradisyunal na kaugaliang at kaisipang Tsino; pinaslang si John F. Kennedy noong 1963 matapos magsilbi bilang pangulo sa loob ng tatlong taon; at ginawa ni Martin Luther King Jr. ang kaniyang tanyag na talumpating "I Have a Dream" (Mayroon Akong Pangarap) sa harap ng 250,000 katao..
Milenyo: ika-2 milenyo
Dantaon:
Dekada:
Taon:

Ang dekada 1960 (binibigkas na "labinsiyam na animnapu"; pinaikli bilang d. 1960 o dekada '60 na kadalasang binibigkas bilang dekada Sisenta) ay ang dekadang nagsimula noong Enero 1, 1960 at nagtapos noong Disyembre 31, 1969.[1]

Bagaman pinalawak ng mga tagumpay ng sangkatauhan sa kalawakan tulad ng pagpapadala ng tao sa kalawakan, pag-ikot sa Daigdig, pagsasagawa ng paglakad sa kalawakan, at paglapag sa Buwan ang larangan ng eksplorasyon, nakilala rin ang dekada 1960 bilang "dekada ng kontra-kultura" sa Estados Unidos at iba pang bansang Kanluranin. Nagkaroon ng malaking pagbabago sa mga pamantayang panlipunan, kabilang ang relihiyon, moralidad, batas at kaayusan, pananamit, musika, droga, seksuwalidad, pormalidad, karapatang sibil, pananaw sa tungkuling militar, at edukasyon. May ilan ding bumabatikos sa dekada bilang panahon ng labis na kalayaan, karangyaan, paghina ng kaayusang panlipunan, at pagluwag ng mga dating bawal sa lipunan. Lumitaw ang iba't ibang uri ng musika, mula sa musikang popular na pinasikat ng The Beatles at ng tinaguriang British Invasion (Pasalakay na Britaniko) sa Estados Unidos hanggang sa muling pagsikat ng musikang folk o pambayan, kabilang ang makatang liriko ni Bob Dylan. Sa Estados Unidos, tinawag din ang dekada bilang "dekadang pangkultura", samantalang sa Reyno Unido, lalo na sa Londres, ito ay nakilala bilang "Swinging Sixties" (literal na Sisentang Nagsi-swing).

Nagkaroon ang Estados Unidos ng apat na pangulo sa loob ng dekada: Dwight D. Eisenhower, John F. Kennedy, Lyndon B. Johnson, at Richard Nixon. Malapit nang matapos ang termino ni Eisenhower at umalis siya sa tungkulin noong Enero 1961,[2][3] samantalang pinaslang si Kennedy noong 1963. Ninais ni Kennedy ang mga repormang panlipunan na nakabatay sa Keynesianismo[4] at mariing laban sa komunismo. Naipasa ang mga ito sa ilalim ni Johnson, kabilang ang karapatang sibil para sa mga Aprikanong Amerikano at serbisyong pangkalusugan para sa matatanda at mahihirap. Sa kabila ng malawakang programang Great Society (o Dakilang Lipunan), lalo namang hindi nagustuhan si Johnson ng Bagong Kaliwa sa loob at labas ng bansa. Para sa ilan, ang Mayo 1968 ay naging wakas ng tradisyonal na sama-samang pagkilos at simula ng bagong panahon na pinangungunahan ng mga tinaguriang bagong kilusang panlipunan.[5]

Matapos ang Rebolusyong Kubano na pinangunahan ni Fidel Castro, sinubukan ng Estados Unidos na patalsikin ang bagong pinuno sa pamamagitan ng pagsasanay sa mga Kubanong destiyero at pagsalakay sa Cuba. Dahil dito, nakipag-alyansa ang Cuba sa Unyong Sobyet, isang kalabang bansa ng Estados Unidos, na nagbunga ng pandaigdigang krisis nang maglagay ang Unyong Sobyet ng mga misil na balistiko sa Cuba, tulad ng paglalagay ng Estados Unidos ng mga misi sa Turkiya. Nagbanta ito ng posibilidad ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Gayunman, matapos ang negosasyon sa pagitan ng Estados Unidos at USSR, nagkasundo ang magkabilang panig na alisin ang kanilang mga sandata at naiwasan ang posibleng digmaang nuklear.

Pagkatapos ng pagpaslang kay Kennedy, ang tuwirang tensiyon sa pagitan ng dalawang superpower o makapangyarihang bansa na Estados Unidos at Unyong Sobyet ay naging paligsahan sa pamamagitan ng mga digmaang proksi, pagpopondo sa mga insureksiyon, pagtatatag ng mga papet na pamahalaan, at pagpapalawak ng impluwensiya lalo na sa Amerikang Latino, Aprika, at Asya. Ang "Digmaang Malamig" ang nangibabaw sa geopolitika ng mundo sa buong dekada. Sinimulan ng Silangang Alemanya ang pagtatayo ng Pader ng Berlin noong 1961. Dumaan naman ang Aprika sa panahon ng matinding pagbabagong pampolitika nang makamit ng 42 bansa ang kalayaan mula sa mga kolonyalistang Europeo, kabilang ang 22 bansang humiwalay sa imperyong kolonyal ng Pransiya, 12 mula sa Imperyong Britaniko, lima mula sa Portugal, at tatlo mula sa Belhika. Ang mabigat na papel ng Estados Unidos sa Digmaang Biyetnam ay nagbunsod sa kilusang laban sa digmaan at malawakang protesta ng mga estudyante sa iba't ibang panig ng mundo, na umabot sa rurok noong mga protesta ng 1968.

Nasaksihan naman ng Tsina ang pagtatapos ng Great Leap Forward (o Dakilang Pagsulong) ni Mao Zedong noong 1962, na nagdulot ng matinding taggutom at pagkamatay ng napakaraming Tsino sa isa sa pinakamapaminsalang taggutom sa kasaysayan ng sangkatauhan. Sinundan ito ng Rebolusyong Pangkultura mula 1966 hanggang 1976. Layunin nitong mapanatili ang komunismong Tsino sa pamamagitan ng pag-aalis sa mga bakas ng kapitalismo at tradisyunal na elemento sa lipunang Tsino. Nagresulta ito sa pag-aresto sa maraming pulitiko, pagpatay sa milyun-milyong sibilyan at minoryang etniko, at pagkawasak ng maraming gusali, artepakto, at materyal na pangkasaysayan at pangkultura hanggang sa kamatayan ni Mao.

Isang bidyo mula sa isang estasyong pambalita sa telebisyon sa Taylandiya na dinodokumento ang seremonya ng pagpapahayag ng ASEAN.

Sa Timog-silangang Asya naman noong 1967, naitayo ng Indonesya, Malaysiya, Pilipinas, Singapur, at Taylandiya ang ASEAN (Association of Southeast Asian Nations o Samahan ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya)[6] para sa pagpapalago ng ekonomiya ng Timog-Silangang Asya, payapang pakikipamuhay ng kapwa bansa at pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan.[7] Naitatag ang ASEAN sa Bangkok, Taylandiya nang pumirma ng dokumento ng diputadong punong ministro ng Malaysiya at ng mga ministro ng ugnayang panlabas ng Indonesya, Pilipinas, Singapur, at Taylandiya.[6]

Sa pagtatapos ng dekada 1950, nagsimulang sumigla ang ekonomiya ng muling itinayong Europa matapos ang digmaan. Pinaliit ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang pagitan ng mga uring panlipunan at halos naglaho ang mga labi ng dating pyudal na maharlika. Ang umuunlad na uring manggagawang nakaaangat, na naging bagong uri ng gitnang uri, sa Kanlurang Europa ay nagkaroon ng kakayahang bumili ng radyo, telebisyon, refrigerator, at mga sasakyang de-motor. Mabilis ding umunlad ang Unyong Sobyet at iba pang bansang kabilang sa Paktong Warsaw matapos makabangon mula sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Umabot sa karaniwang 6% kada taon ang paglago ng tunay na GDP sa ikalawang kalahati ng dekada, at sa kabuuan ay sumigla ang pandaigdigang ekonomiya noong dekada 1960 dahil sa paglawak ng gitnang uri at pagdami ng mga bagong teknolohiyang pambahay.

Noong dekada 1960, naging mahalagang bahagi ng modernong pamumuhay ang telepono habang mabilis na lumalawak ang pandaigdigang network ng komunikasyon. Sa panahong ito, dumami nang husto ang mga koneksyon ng telepono sa buong mundo; sa Estados Unidos lamang ay umabot na sa mahigit 80 milyong nakakabit na telepono pagsapit ng dekada 1960.[8] Unti-unti ring napalitan ang mga lumang manu-manong switchboard ng mas modernong awtomatikong at sistemang teleponong touch-tone (tumutuno kapag pinipindot), na unang ipinakilala noong 1963. Lumawak din ang kakayahan ng long-distance (o mahabang-distansya) at internasyonal na pagtawag dahil sa mga kableng submarino at mga satelayt pangkomunikasyon gaya ng Telstar. Tinatayang nasa humigit-kumulang 160 milyong koneksiyon ng telepono ang mayroon sa buong mundo noong dekada 1960.[9]

BERJAYA
Naging sentro Avenida (o Abenida Rizal) sa Maynila ng komersyo at aliwan.

Nakaranas ang Pilipinas noong dekada '60 ng panahon ng urbanisasyon, paglago ng ekonomiya, at masiglang kulturang popular.[10] Itinuturing noon ang bansa bilang isa sa mga umuusbong na ekonomiya sa Asya dahil sa paggawa ng mga produktong konsumer, pagpoproseso ng hilaw na materyales, at pagkakaroon ng mga planta para sa sasakyan at kagamitang pambahay. Naging sentro ng komersiyo at aliwan ang Avenida sa Maynila, kung saan matatagpuan ang mga sinehan, tindahan, at restoran na dinarayo ng publiko. Sumigla rin ang industriya ng pelikula sa pamamagitan ng mga kompanyang gaya ng Sampaguita Pictures at LVN Pictures. Bagaman, hindi na nasa monopolyo ng malalaking istudiyo ang industriya ng pelikula, at dekada '60 ay nagbigay daan sa mga bago malayang prodyuser ng pelikula.[11] Nagkaroon din ng bago at ibang uri o genre ng pelikula tulad ng musikal, aksyon at bomba (o mga pelikulang soft-porn).[11] Malaki rin ang impluwensiya ng kulturang Kanluranin sa kabataang Pilipino, lalo na sa musika at moda, sa panahon ng kasikatan ng rock and roll at ng pagbisita ng The Beatles sa bansa noong 1965.

BERJAYA
Si Pangulong Diosdado Macapagal noong 1962 na nasangkot sa iskandalong Stonehill kasama din ang magiging Pangulong Ferdinan Marcos at dating Pangulong Carlos P. Garcia

Sa kabila ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas, nanatili ang malawak na agwat ng mayaman at mahirap at laganap ang katiwalian sa pamahalaan. Naging tampok sa dekada ang iskandalong Stonehill, na naglantad ng ugnayan ng negosyo at pulitika sa bansa. Nasangkot dito ang matataas na opisyal ng pamahalaan, kabilang sina Pangulong Diosdado Macapagal,[12] ang magiging Pangulong si Ferdinand Marcos,[13] at dating Pangulong Carlos P. Garcia,[14] na inakusahang tumanggap ng suhol kapalit ng pagprotekta sa malawak na imperyo ng negosyo ni Harry Stonehill na nagkakahalaga ng humigit-kumulang $50 milyon.

Sa panahong ito rin mabilis na umangat si Ferdinand Marcos mula sa pagiging senador at Pangulo ng Senado hanggang sa pagkahalal bilang pangulo noong 1965. Lumawak ang paggamit ng pelikula at midyang panlahat sa kampanyang pampolitika, habang lumalala naman ang aktibismo, protesta, at armadong kilusan. Noong 1968, muling itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas sa pamumuno ni Jose Maria Sison, at sumunod naitatag ang Bagong Hukbong Bayan.[15] Ang mga pangyayaring ito ang naging ilan sa mga ugat ng krisis pampolitika na hahantong sa deklarasyon ng Batas Militar noong dekada 1970.

Sa larangan ng musika sa Pilipinas, naging ikono ang mga awiting Pilipino tulad ng "Pitong Gatang" (1960) sa komposisyon nina Levi Celerio at Tony Marquez, na isinulat sa para sa pelikula ni Fernando Poe Jr. na may kaparehong pangalan na inawit naman ni Fred Panopio.[16] Ang isa pang ikonong awit nina Celerio at Marquez ang "Sapagka’t Kami Ay Tao Lamang" na inawit ni Ric Manrique Jr. noong 1963.[16] Gayon din, ikono ang awiting "A Million Thanks To You" na ginawa ni Alice Doria Gamilla at inawit ni Pilita Corrales na naging ikono dahil sa tatak ni Pilita na pagliyad habang inaawit ito. Bukod dito, ito ang unang komposisyong Pilipino sa wikang Ingles na sumikat na nasa estrukturang Kanluranin.[16]

BERJAYA
Si Susan Roces na tinguriang "Reyna ng Pelikulang Pilipino" ay sumikat noong dekada '60.

Naging malawak naman ang kulturang shobis at telebisyon kung saan unang ipinakilala ng ABS-CBN ang telebisyong may kulay sa Pilipinas noong 1966.[17] Kabilang sa mga sikat na programa noon ang Oras ng Ligaya, Kuwarto o Kahon, at Tawag ng Tanghalan, habang kinikilalang "reyna ng telebisyon" si Sylvia La Torre.[18] Sumikat din si Helen Gamboa bilang "reyna na pop," gayundin sina Rosemarie Sonora, Nora Aunor, at Vilma Santos bilang mga bagong bituin ng pelikulang Pilipino ng dekada 1960.[18] Inaasahan noon na magiging susunod na "reyna ng pelikula" si Rosemarie Sonora matapos ang kasikatan nina Susan Roces at Amalia Fuentes, subalit nabago ang takbo ng industriya dahil sa pagdating nina Nora Aunor at Vilma Santos, na naging mga dominanteng artista sa mga sumunod na dekada.[18]

Sa Reyno Unido, nagwagi sa kapangyarihan ang Partido Laborista noong 1964 sa pamumuno ni Harold Wilson bilang punong ministro sa malaking bahagi ng dekada.[19] Sa Pransiya, ang mga protesta noong 1968 ay nagdulot ng pansamantalang pag-alis ni Charles de Gaulle sa bansa.[20] Nabuo naman ng Italya ang unang pamahalaang kaliwa-sa-gitna noong Marso 1962, at naging punong ministro si Aldo Moro noong 1963. Ang mga pinuno ng Unyong Sobyet sa dekadang ito ay sina Nikita Khrushchev hanggang 1964 at Leonid Brezhnev.

Sa loob ng dekada 1960, tumaas ang populasyon ng mundo mula 3.0 bilyon tungo sa 3.7 bilyong katao. Tinatayang may humigit-kumulang 1.15 bilyong ipinanganak at 500 milyong namatay sa panahong iyon.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Joshua Zeitz Naka-arkibo 2010-01-06 sa Wayback Machine. "1964: The Year the Sixties Began", American Heritage, Okt. 2006. (sa Ingles)
  2. John Barth (1984) intro sa The Literature of Exhaustion, sa The Friday Book. (sa Ingles)
  3. Maslin, Janet (5 Nobyembre 2007). "Brokaw Explores Another Turning Point, the '60s". The New York Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 20 Hulyo 2019. Nakuha noong 26 Agosto 2011.
  4. "The Economy: We Are All Keynesians Now". Time (sa wikang Ingles). 31 Disyembre 1965. Inarkibo mula sa orihinal noong 21 Setyembre 2007. Nakuha noong 1 Enero 2011. Keynesianism made its biggest breakthrough under John Kennedy, who, as Arthur Schlesinger reports in A Thousand Days, "was unquestionably the first Keynesian President."
  5. "Client Challenge". www.scribd.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-12.
  6. 1 2 "The Founding of ASEAN". asean.org. Nakuha noong Mayo 13, 2026.
  7. "Overview – ASSOCIATION OF SOUTHEAST ASIAN NATIONS" (PDF). (sa Ingles)
  8. "1870s – 1940s: Telephone | Imagining the Internet | Elon University". www.elon.edu. Nakuha noong 2026-05-15.
  9. Caffrey, Cait (2024). "Telephone | History | Research Starters | EBSCO Research". EBSCO (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-15.
  10. Villar, Manny (2022-02-16). "The swinging 60s". Manila Bulletin (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-13.
  11. 1 2 "History of Philippine Cinema". San Diego Filipino Cinema (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-18.
  12. Magno, Alexander R., pat. (1998). "A Web of Corruption". Kasaysayan, The Story of the Filipino People Volume 9:A Nation Reborn (sa wikang Ingles). Hong Kong: Asia Publishing Company Limited.
  13. Magno, Alexander R., pat. (1998). "A Web of Corruption". Kasaysayan, The Story of the Filipino People Volume 9:A Nation Reborn (sa wikang Ingles). Hong Kong: Asia Publishing Company Limited.
  14. Soliven De Guzman, Sara (2014-05-26). "A ghost from the past – the Stonehill scandal". The Philippine Star (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2019-01-25.
  15. "The Turbulent '60s and Marcos' Ascent to Power". SubSelfie (sa wikang Ingles). 2020-09-11. Nakuha noong 2026-05-13.
  16. 1 2 3 Gil, Baby A. (Hulyo 28, 2016). "30 iconic Filipino songs". Philstar.com. Nakuha noong 2026-05-13.
  17. Maglipon, Jo-Ann Q. (Hulyo 12, 2020). "12 unforgettable ABS-CBN Station IDs through the years". PEP.ph (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-05-19.
  18. 1 2 3 Francisco, Butch (Hulyo 4, 2002). "More showbiz trivia circa 1968 to 1969". Philstar.com. Nakuha noong 2026-05-19.
  19. Arthur Marwick, The Sixties: Cultural Revolution in Britain, France, Italy, and the United States, c.1958-c.1974 (Oxford: Oxford University Press, 1998, ISBN 978-0-19-210022-1), 247–248. (sa Ingles)
  20. Erlanger, Steven (29 Abril 2008). "May 1968 – a watershed in French life". The New York Times (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 16 Abril 2011. Nakuha noong 31 Agosto 2012.