Bansa (panlipunan)

Bansâ, bayán, o nasyón ang isang uri ng panlipunang grupo kung saan lumilitaw ang isang kolektibong pagkakakilanlan, tinatawag na pambansang pagkakakilanlan, mula sa kombinasyon ng mga katangiang pare-parehong taglay ng isang partikular na populasyon, kagaya halimbawa ng wika, kasaysayan, etnisidad, kultura, teritoryo, o lipunan. May mga bansa na nabubuo ayon sa kanilang etnisidad habang may iba namang nabubuo dahil sa politika.[1]
Madalas na mas politikal ang mga bansa kesa sa mga pangkat-etniko.[2][3] Ayon kay Benedict Anderson, isang "politikal na pamayanang gawang-isip" ang mga bansa, gawang-isip dahil bagamat hindi makikilala ng mga taong bahagi ng isang bansa ang bawat miyembro nito, pawang iniisip nila na magkaugnay sila sa kanila.[4] Samantala, ayon naman kay Anthony D. Smith, mga pamayanang kultural at politikal ang mga bansa na nagkaroon ng kamalayan ukol sa kanilang pagsasarili, pagkakaisa, at interes.[5][6] Ginagamit rin ang salitang bansa sa wikang Tagalog upang tumukoy sa politikal na konsepto bukod sa panlipunang konsepto nito; sinasalin sa wikang Ingles ang bansa sa politikal na konteksto bilang country habang nation naman ang salin sa panlipunang konteksto ng bansa.[7] Ayon sa Black's Law Dictionary, ang salitang Ingles na nation ay tumutukoy sa isang pamayanan ng mga tao na pare-parehong naninirahan sa isang tiyak na teritoryo at organisado sa pamamagitan ng isang malayang pamahalaan.[2] Kasingkahulugan ito ng state at country, isang katangian na ayon kay Thomas Hylland Eriksen ang nagtatangi sa bansa mula sa ibang mga kolektibong pagkakakilanlan kagaya ng etnisidad.[8]
Ayon sa konsensong napagkakasunduan ng mga iskolar, pawang gawang panlipunan ang mga bansa, na nakadepende sa kasaysayan, may malayang organisasyon, at di-hamak na isang modernong konsepto.[9][10] Sa takbo ng kasaysayan, nakakabit ang mga tao sa kanilang kamag-anakan at tradisyon gayundin sa mga otoridad sa kanilang lugar at kinagisnang lupain, ngunit hindi naging isang prominenteng ideolohiya ang pagkamakabansa o nasyonalismo, ang paniniwala na dapat maging isa ang politikal na bansa at ang pagkakakilanlan nito, hanggang noon lamang dulo ng ika-18 siglo.[11]
Etimolohiya
[baguhin | baguhin ang wikitext]Isang arál na hiram ang salitang bansa mula sa wikang Malay na bangsa,[12] na mula naman sa wikang Sanskrit na vaṃśá ("anak, kadugo, pangkat"), mula sa protowikang Indo-Iranyano *wanćás ("biga, kawayan").[13] Una itong ipinakilala ng lingwistang si Eusebio T. Daluz noong unang bahagi ng ika-20 siglo bilang katumbas ng salitang Kastila na nación dahil sa kawalan ng tiyak na katumbas para sa konsepto sa wikang Tagalog noon. Bago ito, karaniwang ginagamit ang salitang bayan bilang katumbas sa naturang konsepto, na makikita sa mga salitang kagaya ng inang-bayan, makabayan, at sa paggamit ni Andres Bonifacio sa katagang "Haring Bayang Katagalugan" upang tumukoy sa buong bansa,[14] bagamat mas tumutukoy ito sa isang maliit na komunidad ng mga tao kagaya ng mga lungsod o barangay at sinasalin bilang katumbas ng salitang Kastila na pueblo. Nagmula ito sa pinaikling anyo ng salitang bahayan.
Parehong tumutukoy ang bansa sa pampulitika at panlipunang konsepto. Ayon sa Pambansang Diksiyonaryo ng Unibersidad ng Pilipinas, tumutukoy ang panlipunang kahulugan bilang "komunidad ng mga mamamayan na may iisang lahi, kasaysayan, wika, kultura, at pamahalaan" at pampulitikang kahulugan bilang "teritoryo ng komunidad na ito".[15] Depende sa kahulugan, sinasalin ito sa wikang Ingles bilang nation para sa panlipunang kahulugan at country o state para naman sa pampulitikang kahulugan. Ginagamit din minsan ang salitang nasyon para sa panlipunang konsepto, na isang direktang hiram mula sa wikang Kastila.[16]
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pagkakaroon ng bansa bago ang ika-18 siglo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Napagkakasunduan ng mga iskolar ng nasyonalismo na isang modernong konsepto ang bansa.[9] Gayunpaman, may mga ilang historyador na nagpapalagay sa pagkakaroon ng bansa noon pang Gitnang Kapanahunan sa Europa, at may minorya rin na naniniwala na umusbong na ang konseptong ito noon pang sinaunang panahon.
Ipinagpapalagay ni Adrian Hastings na ang konsepto ng bansa ay maituturing bilang isang konseptong Kristiyano, maliban lamang sa mga Hudyo. Tiningnan niya ang mga Hudyo bilang halimbawa ng isang "ganap na protobansa" na naglatag sa orihinal na modelo ng pagkabansa; tinukoy niya ang sinaunang Israel na nakasaad sa Hudyong Bibliya, kahit na nawalan ito ng politikal na soberanya nang halos dalawang milenyo. Pinapanatili ng mga Hudyo ang kanilang pambansang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng kolektibong alaala, relihiyon, at sagradong teksto, na humantong kalaunan sa pagkatatag ng Zionismo at sa modernong estado ng Israel.[17] Sinulat ni Anthony D. Smith na ang mga Hudyo ng panahon ng Ikalawang Templo ay isang malapit na pagtataya sa tinatamasang uri ng isang bansa noong sinaunang panahon.[18]
Ipinagpapalagay naman ni Susan Reynolds na pawang bansa na sa modernong kahulugan ang marami sa mga kaharian noong Gitnang Kapanahunan sa Europa, bagamat nanatili lamang ang konsepto ng pagkamakabansa sa limitadong bahagdan ng mayayaman at may pinag-aralang uri ng lipunan,[19] habang tinukoy naman ni Hastings na ginamit ng mga hari ng Anglo-Sahon sa Inglatera ang nasyonalismo ng masa upang malupig ang mga pananakop ng mga Nordiko. Ayon sa kanya, ginamit ni Dakilang Alfredo ang wikang biblikal ng kanyang mga batas at noong panahon ng kanyang paghahari ay pinasalin niya ang ilang aklat ng Bibliya sa wikang Lumang Ingles upang magbigay ng inspirasyon sa mga Ingles upang labanan ang mga mananakop na Nordiko. Dagdag pa ni Hastings, umusbong muli ang pagkamakabansa sa Inglatera matapos ng pananakop ng mga Normando magmula noong sinalin muli ang Bibliya sa wikang Ingles noong dekada 1380s; aniya, ang unti-unting pagdami ng paggamit sa katagang nation simula noong unang bahagi ng ika-14 na siglo ay isang matibay na ebidensiya ng pag-usbong ng nasyonalismong Ingles at ang pagkabansa ng Inglatera noon pang panahon na yon.[17]
Gayunpaman, hindi sumasang-ayon sa pananaw ni Hastings si John Breuilly ukol sa ideya ng pagpapatuloy ng kahulugan ng isang katagang tulad ng "mga Ingles" kung patuloy itong ginagamit.[20.1] Sumasang-ayon dito si Patrick J. Geary, na nagsabing ginagamit ng mga may kapangyarihan ang mga katagang yon sa samu't saring kadahilanan na hindi agad masasabing nasyonalismo, kahit na maaari itong akalain ng mga tao bilang ganito nga ang kaso.[20.2]
Tinukoy ni Florin Curta ang bansang Bulgaria noong Gitnang Kapanahunan bilang isang posibleng halimbawa. Tinatag ang Unang Imperyong Bulgaro noong bandang 680 – 681 KP bilang pagpapatuloy ng nagdaang Lumang Dakilang Bulgaria. Matapos nitong gawing relihiyon ang Ortodoksong Kristiyanismo noong 864 KP, naging isa ito sa mga sentro ng kultura ng mga Eslabo sa Europa. Lalo pang umigting ang pagiging sentro nito nang maimbento ang sulat Siriliko sa kabisera nitong Preslav bago sumapit ang ika-10 siglo.[21] Ipinagpapalagay ni Hugh Poulton na ang pag-usad ng literasiya sa wikang Lumang Pangsimbahang Eslabiko sa imperyo ay humantong sa pagpigil sa asimilasyon ng mga Timog Eslabo sa mga kapitbahay nitong kultura at nagpasimula sa pagkakaroon ng sarili nitong pagkakakilanlan.[22] Nagsimulang maghalo ang minoryang mga Bulgar at ang mayoryang mga Eslabo na nasa rehiyon mula sa Ilog Danube sa hilaga, Dagat Egeo sa timog, Dagat Adriatiko sa kanluran, at sa Dagat Itim sa silangan upang maging "mga Bulgaro".[23] Noong ika-10 siglo, nadebelop ng mga Bulgaro ang isang anyo ng pambansang pagkakakilanlan na malayo sa ideya ng nasyonalismo ngunit nakatulong sa pagpapanatili ng isang hiwalay na entidad sa mga sumunod na siglo.[24][25]
Ipinagpapalagay ni Azar Gat na pawang mga bansa na ang Tsina, Korea, at Hapón noong Gitnang Kapanahunan sa Europa.[26] Samantala, ipinagpapalagay din ng ilang mga historyador na isang bansa noon pa ang mga Serer, isang etnorelihiyosong pangkat-etniko na matatagpuan sa modernong Senegal, Gambia, at Mauritania at isa sa mga pinakamatatandang grupo sa rehiyon ng Senegambia.[27] Nagmula ang mga Serer sa hilaga sa sinaunang kaharian ng Takrur.[28.1] Nakaranas ang mga ito mula noong ika-11 siglo ng panrelihiyon at pang-etnikong persekusyon mula sa mga Muslim, na humantong sa paglipat nila sa timog ng Takrur.[28.2] Napakalawak ng impluwensiya ng relihiyon, kasaysayan, kultura, at tradisyon ng mga Serer sa rehiyon kaya napasulat ang historyador na si Charles Becker noong 1993:[29]
At panghuli, dapat nating alalahanin ang mahalagang relikong tinatawag na Sereer [mga Serer] sa Fouta, gayundin sa mga lumang bansa ng mga Ferlo, Jolof, at Kajoor, na nagpasimula sa migrasyon ng mga sinaunang Sereer, na nag-iwan ng sobrang tinding bakas sa Fouta at nananatili pa rin sa alaala ng mga Halpulaareen [mga mananalita ng wikang Pulaar sa Senegal at Gambia].[a]
Kritisismo
[baguhin | baguhin ang wikitext]Itinuturing ni Geary bilang isang mito ang pag-ugnay sa mga pagkakakilanlan ng mga grupo noong maagang medyebal sa mga modernong grupo. Ayon sa kanya, mali na ipagpalagay na may historikal na pagpapatuloy ang isang grupo dahil lamang ginagamit nito ang parehong pangalan ng naunang grupo. Binatikos niya ang mga historyador dahil hindi nila natutukoy ang mga pagkakaiba sa pagtingin ng mga naunang grupo sa kanilang pagkakakilanlan mula sa mga modernong pagtingin; aniya, sila ay "nabibitag sa parehong historikal na proseso na siya mismong pinag-aaralan natin".[20.3]
Sa parehong pananaw, sinabi ni Sami Zubaida na namuno ang maraming mga estado at imperyo sa samu't saring mga pangkat-etniko, at hindi agad nangangahulugan na sinusuportahan agad ng mga ito ang namumuno sa kanila batay lamang sa pagkakapareho ng etnisidad ng namumuno at pinamumunuan. Ayon sa kanya, hindi kailanman naging pangunahing basehan ng pagkakakilanlan ang etnisidad para sa taong nasa ilalim ng mga multinasyonal na imperyo.[20.3]
Binatikos ni Paul Lawrence ang pagbasa ni Hastings sa Eklesiyastikong Kasaysayan ng Mga Ingles ni San Beda bilang ebidensiya ng isang maagang pambansang pagkakakilanlan ng mga Ingles. Ayon sa kanya, maaaring iba ang pananaw ng mga tao noong panahon na yon sa ideya ng nation kesa sa kasalukuyan nitong kahulugan. Itinuro niya na hindi sinasalamin ng mga ganitong dokumento ang pagkakakilanlan ng mga ordinaryong tao, at maaaring nasa pananaw lamang ng naghaharing-uri.[30]
Mga unang modernong bansa
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ipinagpapalagay ni Philip S. Gorski na ang unang modernong estadong bansa ay ang Republikang Olandes, na nabuo sa pamamagitan ng isang ganap na modernong politikal na pagkamakabansa na nakabatay sa nasyonalismong biblikal.[31] Pinalawig pa ito ni Diana Muir Appelbaum upang ilapat ito sa isang serye ng mga bagong estadong bansang Protestante ng ika-16 na siglo.[32] Samantala, naniniwala naman si Liah Greenfeld na nagmula ang nasyonalismo sa Inglatera noong pagsapit ng taong 1600; aniya, Inglatera "ang pinakaunang bansa sa mundo".[33][34]
Tingnan din
[baguhin | baguhin ang wikitext]Talababa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Orihinal na sipi: Finally we should remember the important relic call Sereer in Fouta, but also in the former countries of the Ferlo, Jolof and Kajoor, which marked the migration of proto-Sereer, whose imprint on the Fouta was so significant and remains in the memory of the Halpulaareen.
Sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Eller, Jack David (1997). "Ethnicity, Culture, and "The Past"" [Etnisidad, Kultura, at "Ang Nakaraan"]. Michigan Quarterly Review (sa wikang Ingles). 36 (4). hdl:2027/spo.act2080.0036.411.
- 1 2 Garner, Bryan A., pat. (2014). "nation" [bansa]. Black's Law Dictionary (sa wikang Ingles) (ika-10 (na) labas). Thomson Reuters. p. 1183. ISBN 978-0-314-61300-4.
- ↑ James, Paul (1996). Nation Formation: Towards a Theory of Abstract Community [Pagtatatag ng Bansa: Tungo sa Teorya ng Abstraktong Pamayanan] (sa wikang Ingles). London: SAGE Publications. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Oktubre 2021.
- ↑ Anderson, Benedict R. O'G. (1991). Imagined communities: reflections on the origin and spread of nationalism [Mga gawang-isip na pamayanan: mga pagninilay sa pinagmulan at pagkalat ng nasyonalismo] (sa wikang Ingles). London: Verso. pp. 6–7. ISBN 978-0-86091-546-1.
- ↑ Smith, Anthony D. (8 Enero 1991). The Ethnic Origins of Nations [Ang Etnikong Pinagmulan ng mga Bansa] (sa wikang Ingles). Wiley. p. 17. ISBN 978-0-631-16169-1 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
- ↑ Smith, Anthony D. (1991). National Identity [Pambansang Pagkakakilanlan] (sa wikang Ingles). London: Penguin. p. 99. ISBN 9780140125658.
- ↑ "bansa". www.tagalog.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 5 Agosto 2026.
- ↑ Eriksen, Thomas Hylland (2010). Nationalism and Ethnicity [Nasyonalismo at Etnisidad] (sa wikang Ingles) (ika-3 (na) labas). London: Pluto Press. p. 119.
- 1 2 Mylonas, Harris; Tudor, Maya (2023). "Varieties of Nationalism: Communities, Narratives, Identities" [Mga Barayti ng Nasyonalismo: Pamayanan, Naratibo, Pagkakakilanlan]. Cambridge University Press (sa wikang Ingles). doi:10.1017/9781108973298. ISBN 9781108973298. S2CID 259646325.
- ↑ Mylonas, Harris; Tudor, Maya (2021). "Nationalism: What We Know and What We Still Need to Know" [Nasyonalismo: Ano ang Alam Natin at Ano pa ang Dapat Alamin Natin]. Annual Review of Political Science (sa wikang Ingles). 24 (1): 109–132. doi:10.1146/annurev-polisci-041719-101841.
- ↑ Kohn, Hans (2018). Nationalism [Nasyonalismo] (sa wikang Ingles). Encyclopedia Britannica. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Enero 2022. Nakuha noong 12 Enero 2022.
- ↑ "bansâ". KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino (sa wikang Ingles). Komisyon sa Wikang Filipino. Nakuha noong 5 Agosto 2026.
- ↑ Mayrhofer, Manfred (1996). "vam̆́śá-". Etymologisches Wörterbuch des Altindoarischen [Diksiyonaryo ng Etimolohiya ng Lumang Indo-Aryano] (sa wikang Aleman). Bol. 2. Heidelberg: Carl Winter Universitätsverlag. p. 485.
- ↑ Chua, Xiao (14 Hulyo 2013). "Haring Bayan: Ang Konseptong Pilipino ng Demokrasya". UP sa Halalan (sa wikang Ingles). Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Nakuha noong 5 Agosto 2026.
- ↑ "bansâ". Diksiyonaryo.ph. Nakuha noong 5 Agosto 2026.
- ↑ "nasyón". KWF Diksiyonaryo ng Wikang Filipino (sa wikang Ingles). Komisyon sa Wikang Filipino. Nakuha noong 5 Agosto 2026.
- 1 2 Hastings, Adrian (1997). The Construction of Nationhood: Ethnicity, Religion and Nationalism [Ang Pagbubuo ng Bansa: Etnisidad, Relihiyon, at Pagkamakabansa] (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. ISBN 0-521-59391-3.
- ↑ Smith, Anthony D. (1993). National Identity [Pambansang Pagkakakilanlan]. Ethnonationalism in comparative perspective (sa wikang Ingles). Reno, Estados Unidos: University of Nevada Press. pp. 48–50. ISBN 978-0-87417-204-1.
- ↑ Reynolds, Susan (1997). Kingdoms and Communities in Western Europe 900–1300 [Mga Kaharian at Pamayanan sa Kanlurang Europa 900–1300] (sa wikang Ingles). Oxford.
{{cite book}}: CS1 maint: location missing publisher (link) - Özkirimli, Umut (2010). Theories of Nationalism: A Critical Introduction [Mga Teorya ng Nasyonalismo: Kritikal na Panimula] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). London: Palgrave Macmillan.
- ↑ Curta, Florin (2006). Southeastern Europe in the Middle Ages, 500–1250 [Timog-silangang Europa sa Gitnang Kapanahunan, 500–1250]. Cambridge Medieval Textbooks (sa wikang Ingles). Cambridge University Press. pp. 221–222. ISBN 9780521815390 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
- ↑ Poulton, Hugh (2000). Who are the Macedonians? [Sino ang mga Masedonyo?] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). C. Hurst & Co. Publishers. pp. 19–20. ISBN 978-1-85065-534-3 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
- ↑ Karloukovski, Vassil (1996). Srednovekovni gradovi i tvrdini vo Makedonija. Ivan Mikulčiḱ (Skopje, Makedonska civilizacija, 1996) Средновековни градови и тврдини во Македонија. Иван Микулчиќ (Скопје, Македонска цивилизација, 1996) [Mga medyebal na lungsod at kuta sa Masedonya. Ivan Mikulcic (Skopje, Sibilisasyong Masedonyo, 1996)] (sa wikang Macedonian). Kroraina.com. p. 72. ISBN 978-9989756078. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Setyembre 2020.
- ↑ Giatzidis, Emil (2002). An Introduction to Post-Communist Bulgaria: Political, Economic and Social Transformations [Panimula sa Poskomunismong Bulgaria: Mga Pagbabagong Pampulitika, Pang-ekonomiya, at Panlipunan] (sa wikang Ingles). Manchester University Press. ISBN 9780719060953. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 Enero 2023 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
- ↑ Fine, John V. A. Jr. (1991). The Early Medieval Balkans: A Critical Survey from the Sixth to the Late Twelfth Century [Ang Balkan sa Maagang Medyebal: Isang Kritikal na Sarbey mula sa Ikaanim hanggang sa Dulong Ikalabindalawang Siglo] (sa wikang Ingles). University of Michigan. p. 165. ISBN 978-0472081493 – sa pamamagitan ni/ng Google Books.
- ↑ Gat, Azar (2013). Nations: The Long History and Deep Roots of Political Ethnicity and Nationalism [Mga Bansa: Ang Mahabang Kasaysayan at Malalim na Pinagmulan ng Politikal na Etnisidad at Nasyonalismo] (sa wikang Ingles). Oxford University Press.
- ↑ Gadzekpo, Seth Kordzo (2002). History of African Civilizations [Kasaysayan ng mga Sibilisasyong Aprikano] (sa wikang Ingles). Rabbi Books. p. 137. ISBN 9789988778736.
- Chavane, Bruno A. (1985). Villages de l’ancien Tekrour [Mga Nayon ng Sinaunang Takrur]. Hommes et sociétés. Archéologies africaines (sa wikang Pranses). Bol. 2. Karthala Editions. ISBN 9782865371433.
- ↑ Becker, Charles (1993). Vestiges historiques, trémoins matériels du passé clans les pays sereer [Historikal na Bakas: Mga Materyal na Ebidensiya ng Nakaraan sa Lupain ng mga Serer] (sa wikang Pranses). Dakar, Senegal: ORSTOM.
- ↑ Lawrence, Paul (2013). "Nationalism and Historical Writing" [Nasyonalismo at Historikal na Kasulatan]. Mula sa Breuilly, John (pat.). The Oxford Handbook of the History of Nationalism [Ang Handbook ng Oxford sa Kasaysayan ng Nasyonalismo] (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. p. 715. ISBN 978-0-19-876820-3.
- ↑ Gorski, Philip S. (2000). "The Mosaic Moment: An Early Modernist Critique of the Modernist Theory of Nationalism" [Ang Mosaikong Saglit: Isang Maagang Modernistang Kritik sa Modernistang Teorya ng Nasyonalismo]. American Journal of Sociology (sa wikang Ingles). 105 (5): 1428–68. doi:10.1086/210435. JSTOR 3003771. S2CID 144002511. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Disyembre 2022.
- ↑ Appelbaum, Diana Muir (2013). "Biblical nationalism and the sixteenth-century states" [Nasyonalismong biblikal at ang mga estado ng ikalabing-anim na siglo]. National Identities [Pambansang Pagkakakilanlan] (sa wikang Ingles). Bol. 15. p. 317. doi:10.1080/14608944.2013.814624.
- ↑ Guilbert, Steven. The Making of English National Identity [Ang Pagbubuo sa Pambansang Pagkakakilanlan ng mga Ingles] (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 23 Setyembre 2015.
- ↑ Greenfeld, Liah (1992). Nationalism: Five Roads to Modernity [Nasyonalismo: Limang Daan tungo sa Modernidad] (sa wikang Ingles). Harvard University Press.
Magbasa pa
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Manent, Pierre (2007). "What is a Nation?" [Ano ang isang Bansa?] (PDF). The Intercollegiate Review (sa wikang Ingles). XLII (2): 23–31. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 4 Marso 2016.
- Renan, Ernest (1896). "What is a Nation?" [Ano ang isang Bansa?]. The Poetry of the Celtic Races, and Other Essays [Ang Panulaan ng mga Lahing Keltiko, at Ibang mga Sanaysay] (sa wikang Ingles). London: The Walter Scott Publishing Co. pp. 61–83.
- Leach, Michael (2016). Nation-Building and National Identity in Timor-Leste [Pagtatatag ng Bansa at Pambansang Pagkakakilanlan sa Timor-Leste] (sa wikang Ingles). Taylor & Francis. ISBN 9781315311647. Inarkibo mula sa orihinal noong 26 Marso 2023.
- Smith, Anthony D. (1981). The Ethnic Revival in the Modern World [Ang Etnikong Pagbubuhay sa Modernong Mundo] (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. ISBN 9780521232678.
- Smith, Anthony D. (1995). Nations and Nationalism in a Global Era [Mga Bansa at Pagkamakabansa sa Pandaigdigang Panahon] (sa wikang Ingles). Cambridge: Polity Press. ISBN 9780745610191.
- Smith, Anthony D. (2000). The Nation in History: Historiographical Debates about Ethnicity and Nationalism [Ang Bansa sa Kasaysayan: Mga Historiograpikong Pagtatalo ukol sa Etnisidad at Pagkamakabansa] (sa wikang Ingles). Hanover, Alemanya: University Press of New England. ISBN 9781584650409.
- Smith, Anthony D. (2010) [2001]. Nationalism: Theory, Ideology, History [Pagkamakabansa: Teorya, Ideolohiya, Kasaysayan] (sa wikang Ingles) (ika-2. (na) labas). Cambridge: Polity Press. ISBN 9780745651279.
- Smith, Anthony D. (2009). Ethno-symbolism and Nationalism: A Cultural Approach [Etnosimbolismo at Pagkamakabansa: Kultural na Pagtingin] (sa wikang Ingles). London at New York: Routledge. ISBN 9781135999483.
- Smith, Anthony D. (2013). The Nation Made Real: Art and National Identity in Western Europe, 1600-1850 [Ang Bansang Ginawang Totoo: Sining at Pambansang Pagkakakilanlan sa Kanlurang Europa, 1600-1850] (sa wikang Ingles). Oxford: Oxford University Press. ISBN 9780199662975.
