Dekada 1900

| Milenyo: | ika-2 milenyo |
| Dantaon: | |
| Dekada: | |
| Taon: |
Ang dekada 1900 (binibigkas na "labinsiyam na raan") ay ang dekadang nagsimula noong Enero 1, 1900, at nagtapos noong Disyembre 31, 1909. Sakop ng panahong Edwardiyano (1901–1910) ang halos katulad na haba ng panahon. Ang terminong "labinsiyam na raan" ay ginagamit din kung minsan upang tumukoy sa buong siglo mula Enero 1, 1900, hanggang Disyembre 31, 1999 (ang mga taong nagsisimula sa "19").
Nagpatuloy ang Pag-aagawan para sa Aprika, kung saan ang Malayang Estado ng Orange, Republika ng Timog Aprikano, Imperyong Ashanti, Konpederasiyang Aro, Kalipatong Sokoto, at Emiratong Kano ay nasakop ng Imperyong Briton. Kasabay nito, sinakop ng Imperyong Pranses ang Borno, sinakop ng Imperyong Aleman ang Emiratong Adamawa, at sinakop naman ng Imperyong Portuges ang Ovambo. Nagkaroon ng mga kalupitan sa Malayang Estado ng Congo na isinagawa ng mga pribadong kumpanya at ng Force Publique, na nagresulta sa pagkabawas ng populasyon ng 1 hanggang 15 milyong katao. Mula 1904 hanggang 1908, ang mga puwersa ng kolonyang Aleman sa Timog Kanlurang Aprika ay nanguna sa isang kampanya ng paglipol sa lahi at kolektibong parusa, na pumatay sa 24,000 hanggang 100,000 Herero at 10,000 Nama. Ang krisis sa Maruekos at Bosnyia ay nagdulot ng mas matinding tensyon sa Europa na kalaunan ay humantong sa Unang Digmaang Pandaigdig sa susunod na dekada. Naging malaya ang Cuba, Bulgarya, at Noruwega.
Ang pinakamamatay na kumbensyonal na digmaan sa dekadang ito ay ang Digmaang Ruso-Hapones, na ipinaglaban dahil sa magkaribal na ambisyong imperyal sa Manchuria at Imperyong Koreano. dumanas ang Rusya ng kahiya-hiyang pagkatalo sa salpukang ito, na nag-ambag sa lumalaking kaguluhang domestiko na humantong sa Rebolusyong Ruso ng 1905. Ang mga di-kumbensyonal na digmaan sa katulad na laki ay kinabibilangan ng mga tinaguriang insureksyon sa Pilipinas (1899–1913), Tsina (1899–1901), at Kolumbya (1899–1902). Ang mga mas maliliit na hidwaan ay kinabibilangan ng mga digmaan sa pagitan ng mga estado gaya ng Ikalawang Digmaang Boer (1899–1902), Digmaang Kuwaiti-Rashidi (1900–1901), at Digmaang Saudi-Rashidi (1903–1907), gayundin ang mga nabigong pag-aalsa at rebolusyon sa Portuges na Angola (1902–1904), Rumelia (1903), Otomanong Silangang Anatolya (1904), Uruguay (1904), Pranses na Madagascar (1905–1906), Arhentina (1905), Persa (1905–1911), Alemang Silangang Aprika (1905–1907), at Rumanya (1907).
Isang malaking taggutom ang naganap sa Tsina mula 1906 hanggang 1907, na posibleng nagresulta sa 20-25 milyong kamatayan. Ang taggutom na ito ay direktang sanhi ng mga pagbaha sa Tsina noong 1906 (Abril–Oktubre), na matinding tumama sa Ilog Huai at sumira sa mga ani ng tag-init at taglagas. Ang lindol sa Mesina noong 1908 ay nagdulot ng 75,000–82,000 kamatayan.
Kasama ng Digmaang Pilipino-Amerikano, ang dekada 1900 ay naging saksi sa isang radikal na transisyon ng Pilipinas mula sa kamay ng Espanya tungo sa pamamahala ng Estados Unidos. Ang isa sa mga pinaka-kritikal na punto ng panahong ito ay ang pagsuko ni Emilio Aguinaldo noong 1901, matapos siyang madakip sa Palanan, Isabela.[1][2] Ang kanyang panunumpa ng katapatan sa Amerika ay naghudyat ng pormal na pagbagsak ng Unang Republika ng Pilipinas,[3] bagama't nagpatuloy pa rin ang pakikipaglaban ng ibang mga heneral gaya nina Miguel Malvar[4] at Macario Sakay[5] sa sumunod na mga taon. Nagpatuloy din ang mga Moro sa paglaban at naganap ang Unang Labanan sa Bud Dajo na isa sa mga isa sa pinakamadugo at pinakakontrobersyal na yugto ng Digmaang Pilipino-Amerikano, na naganap noong 1906.[6] Ang tinaguriang Himagsikang Moro laban sa Amerikano ay tumagal hanggang sa sumunod na dekada.[7]
Sa aspetong politikal, nakita ang paglipat mula sa pamahalaang militar patungo sa pamahalaang sibil noong 1901, sa ilalim ng pamumuno ni William Howard Taft bilang unang Gobernador-Heneral.[8] Ang pagbabagong ito ay lalong napatatag sa pagpasa ng Batas ng Pilipinas ng 1902,[9] na nagbigay ng mga batayang karapatan sa mga Pilipino at naglatag ng pundasyon para sa pagbubukas ng Asambleang Pilipino noong 1907. Ito ang nagsilbing unang pagkakataon na nagkaroon ng pambansang lehislatura na binubuo ng mga Pilipino, sa pangunguna nina Sergio Osmeña at Manuel L. Quezon.[10]
Kasabay nito, nagkaroon din ng malawakang pagbabago sa sistema ng edukasyon at lipunan sa Pilipinas. Noong 1901, dumaong ang mga Tomasito, ang grupong mahigit 500 gurong Amerikano na nagtatag ng pampublikong edukasyon sa wikang Ingles.[11] Habang, naitatag ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1908. Sa aspeto ng relihiyon at pakikibaka, umusbong at naitatag ang Iglesia Filipina Independiente noong 1902 bilang pag-aalsa laban sa mga prayleng Kastila.[12] Gayunpaman, hinaluan din ang dekadang ito ng matinding pagsubok sa kalusugan, partikular na ang epidemya ng kolera (1902–1904) na kumitil sa buhay ng mahigit 100,000 Pilipino.[13]
Umunlad ang unang daluyong ng peminismo (first wave feminism), kung saan nagbukas ang mga unibersidad para sa mga kababaihan sa Hapon, Bulgarya, Cuba, Rusya, at Peru. Noong 1906, ipinagkaloob ng Pinlandiya sa mga kababaihan ang karapatang bumoto,[14] ang unang bansa sa Europa na gumawa nito.[15] Ang pagtatatag ng Women’s Social and Political Union (Unyong Panlipunan at Pampolitika ng Kababaihan) ni Emmeline Pankhurst noong 1903 ay humantong sa pag-usbong ng mga Suffragette sa Gran Britanya at Irlanda. Noong 1908, nagkaroon ng rebolusyon sa Imperyong Otomano, kung saan ibinalik ng kilusang Young Turks ang konstitusyong Otomano ng 1876, na nagtatag ng Ikalawang Panahong Konstitusyonal. Pagkatapos nito, tumaas ang tensyong etniko, at noong 1909, hanggang 30,000 katao (karamihan ay mga Armenyo) sa Adana ang pinatay ng mga sibilyang Turko.
Nakita sa dekadang ito ang malawakang paggamit ng internal combustion engine o makinang may panloob na pagsunog kabilang ang malakihang produksyon ng sasakyan, gayundin ang pagpapakilala ng makinilya. Isinagawa ng Wright Flyer ang unang naitalang kontrolado, may makina, at matagal na paglipad ng isang sasakyang mas mabigat sa hangin noong Disyembre 17, 1903. Ang unang malaking tagumpay ng pelikulang Amerikano, gayundin ang pinakamalaking eksperimental na nakamit sa puntong ito, ay ang pelikulang The Great Train Robbery noong 1903 sa direksyon ni Edwin S. Porter, habang ang unang pelikulang tampok sa mundo, ang The Story of the Kelly Gang, ay ipinalabas noong Disyembre 26, 1906, sa Melbourne, Australya. Ang mga sikat na libro sa dekadang ito ay kinabibilangan ng The Tale of Peter Rabbit (1902) at Anne of Green Gables (1908), na nakabenta ng 45 milyon hanggang 50 milyong kopya bawat isa. Ang mga sikat na kanta ay kinabibilangan ng “Lift Every Voice and Sing” at “What Are They Doing in Heaven?”.

Ang dekada 1900 ay naging makulay din sa larangan ng panitikan at pamamahayag sa Pilipinas. Dahil sa pagpasok ng mga bagong palimbagan at limitadong kalayaan sa pamamahayag sa ilalim ng pamahalaang Amerikano, dumaan sa isang "Gintong Panahon" ang nobelang Tagalog.[16] Umusbong ang mga makabayang pahayagan gaya ng El Renacimiento at ang edisyong Tagalog nito na Muling Pagsilang.[17] Sa panahong ito inilathala nang baha-bahagi ang mga mahahalagang akda tulad ng Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos, na tumalakay sa mga isyung panlipunan, sosyalismo, at karapatan ng mga manggagawa.[18]
Sa larangan ng musika sa Pilipinas, naitatag ang isa sa mga unang konserbatoryo ng musika sa Kolehiyo ng Santa Scholastica noong 1906.[19] Umusbong naman ang katutubong sarsuwela mula sa Kastilang zarzuela noong 1900 kung saan ang mga kompositor gaya nina Bonifacio Abdon at Jose Estella ay lumikha ng mga himig na naging basehan ng klasikong kundiman.[19] Samantala, itinatag ang Philippine Constabulary Band ay itinatag noong ika-15 ng Oktubre, 1902, sa pamumuno ni Walter Loving sa utos ni Gobernador-Heneral William Howard Taft upang magsilbing opisyal na yunit pangmusika ng gobyernong kolonyal ng Amerika sa Pilipinas, at naipadala ang banda sa Eksposisyon ng St. Louis noong 1904.[20]
Sa loob ng dekadang ito, ang populasyon ng mundo ay tumaas mula 1.6 hanggang 1.75 bilyon na may humigit-kumulang 580 milyong kapanganakan at 450 milyong kamatayan sa kabuuan. Nitong Abril 2026, ang tanging natitirang buhay na tao na isinilang sa dekadang ito ay si Ethel Caterham, na isinilang noong Agosto 21, 1909. Ang huling nabubuhay na lalaki mula sa dekadang ito ay si Juan Vicente Perez (Mayo 27, 1909 – Abril 2, 2024).
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ Segovia, Lázaro (1902). The Full Story of Aguinaldo's Capture (sa wikang Ingles). P.I.
- ↑ "Crucible of Empire - PBS Online". www.pbs.org. Nakuha noong 2026-04-22.
- ↑ "NATION COMMEMORATES END OF FIRST PH REPUBLIC IN PALANAN, ISABELA". Official Website Palanan Municipality, Province of Isabela (sa wikang Ingles). 2026-03-23. Nakuha noong 2026-04-22.
- ↑ Villegas, Bernardo M. (2015-09-19). "Miguel Malvar: Hero in war and peace". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-22.
- ↑ Farolan, Ramon J. (2016-02-15). "AFP action rectifies historical injustice". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-22.
- ↑ Llanes, Ferdinand C. (2016-09-18). "Remembering Bud Dajo and Bud Bagsak". INQUIRER.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2024-06-19.
- ↑ "Moro Rebellion". Theodore Roosevelt Center (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-23.
- ↑ "Project MUSE -- Verification required!". muse.jhu.edu (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-23.
- ↑ "1902 Philippine Bill - The LawPhil Project". lawphil.net (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-23.
- ↑ "The Philippine Assembly | Registry" (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-22.
- ↑ Zimmerman, Jonathan (2006). Innocents Abroad: American Teachers in the American Century (sa wikang Ingles). USA: Harvard University Press. ISBN 978-0-674-02361-1.
- ↑ "Philippine Independent Church | World Council of Churches". www.oikoumene.org (sa wikang Ingles). 1958-01-01. Nakuha noong 2026-04-23.
- ↑ Heiser, Victor G. (1907-03-09). "THE OUTBREAK OF CHOLERA IN THE PHILIPPINES IN 1905.THE METHODS USED IN COMBATING IT, WITH STATISTICS TO JAN. 1, 1906". JAMA: The Journal of the American Medical Association (sa wikang Ingles). XLVIII (10): 856. doi:10.1001/jama.1907.25220360014001d. ISSN 0098-7484.
- ↑ "Finnish women won the right to vote a hundred years ago – Embassy of Finland, The Hague : Current Affairs" (sa wikang Ingles). Finlande.nl. Inarkibo mula sa orihinal noong 2014-04-23. Nakuha noong 2012-10-31.
- ↑ "BBC Radio 4 – Woman's Hour – Women's History Timeline: 1900 – 1909". bbc.co.uk (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2012-11-07.
- ↑ Remoto, Danton. "'Asia's first proletariat novel'". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-23.
- ↑ Cano, Glòria (2011). "Filipino Press between Two Empires:". Japanese Journal of Southeast Asian Studies. 49 (3): 395–430. doi:10.20495/tak.49.3_395.
- ↑ "Banaag at Sikat (Radiance and Sunrise) | Independent Publishers Group". www.ipgbook.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-23.
- 1 2 Canave-Dioquino, Corazon. "Music in the Philippines since 1898". National Commission for Culture and the Arts. Inarkibo mula sa orihinal noong 2021-11-26. Nakuha noong 2026-04-23. (sa Ingles)
- ↑ Alcazaren, Paulo. "Loving's band". Philstar.com (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2026-04-23.

